Sa pagtatapos ng pagpapatupad ng suspension of military operations (SOMO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa New People’s Army noong Christmas at New Year holiday, iniulat ng militar na umabot sa 11 ang naitalang engkuwentro ng dalawang grupo sa Eastern Mindanao.
Sinabi ni Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng AFP-EastMinCom, na sa pamamagitan ng 11 engkuwentro ay nabawi ang tatlong high-powered firearm, nadiskubre ang 13 kampo ng NPA, at sumuko ang ilang rebelde bitbit ang kanilang armas.
“These results of the security operations in just 10 days is a manifestation of the good support being received by the troops from the community,” pahayag ni Balagtey tungkol sa ulat ni EastMinCom commander Lt. Gen. Aurelio Baladad.
Noong bisperas ng Bagong Taon, sinabi ni Balagtey na nakasagupa ng mga tauhan ng 68th Infantry Battalion ang isang grupo ng NPA sa Km 31, Barangay Dagohoy, Talaingod, Davao del Norte. Tumagal ang bakbakan ng halos 20 minuto.
Sa hiwalay na insidente, natiyempuhan ng 60th Infantry Battalion ang isang grupo ng NPA habang tumatakas sa direksiyon ng Andap, Laak, Compostela Valley noong Enero 30.