ZAMBOANGA CITY – Nagpasabog ang mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf ng isang improvised explosive device (IED) sa Sumisip, Basilan noong Biyernes na ikinamatay ng isang bystander at apat na iba pa ang nasugatan.

Sinabi ni Sumisip Police chief Senior Insp. Achmad Alibonga na nangyari ang pagsabog dakong 8:30 ng umaga sa Barangay Limbocandis, Sumisip, Basilan.

Kinilala ni Alibonga ang nasawi na si Mannah Jallama, 25. Sugatan naman sina Sopia Abduhu, 16, habang hindi pa nakikilala ang tatlong iba pang nasugatan sa insidente.

Ayon kay Alibonga, nagpapastol ng alagang baka ang mga biktima nang matapakan ni Jallama ang isang bomba na nasa pormang landmine.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Alibonga na agad na nasawi si Jallama habang mabilis namang isinugod sa ospital si Abduhu at ang iba pang nasugatan.

Makalipas ang isang oras, tinambangan din ng Abu Sayyaf ang isang grupo ng mga sundalo na nagpapatrulya malapit sa isang project site ng gobyerno sa Limbocandis.

Sa ilang minutong engkuwentro ay tatlong sibilyan ang natamaan ng ligaw na bala.

Nakadiskubre ang military ng isa pang IED pagkatapos ng sagupaan.