Ewan ko lang kung totoo ang mga balitang kumalat noong Miyerkules sa ilang pahayagan at maging sa Facebook na ang operasyon ng PNP Special Action Force (SAF) ay brainchild ni suspended PNP Director General Alan Purisima. Ito raw ay alam ni Pangulong Noynoy Aquino. Sa naturang operasyon ang target o layunin ay silbihan ng warrant of arrest ang kilabot na Malaysian bomb expert na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, na may $5 milyong reward sa kanyang ulo, at si Commander Basit Usman, isang local terrorist na may $1 milyong patong sa ulo.

Ang nakapagtataka sa tinatawag nilang “law enforcement operation” laban sa mga terorista ay kung bakit hindi ito alam nina DILG Secretary Mar Roxas at PNP Officer-in-Charge Leonardo Espina. Hindi yata kapani-paniwalang ang ganoong kalaki at sensitibong operasyon ng PNP SAF laban sa dalawang kilabot na terorista, ay hindi batid nina Roxas at Espina.

Sa insidenteng ito sa liblib na lugar sa Mamasapano, Maguindanao, may 44 kabataang opisyal at tauhan ng PNP SAF ang nagbuwis ng buhay laban sa magkasanib na puwersa ng MILF at BIFF. Nakalulungkot malamang ang mga miyembro ng SAF ay may mga naghihintay na magulang, asawa at nobyang pakakasalan. Ang isa nga raw ay isang expectant father na ang ginang ay anim na buwang buntis na inaasahang ang sanggol ay isang lalaki na magiging kamukha ng kanyang ama.

Iginigiit ng MILF peace negotiator na si Iqbal na hindi nakipag-ugnayan ang SAF sa MILF tungkol sa kanilang operasyon. Sabi nga ng isa kong kaibigan: “Kung makikipag-coordinate ba sa kanila ang SAF, tiyak na hindi nila ipababatid kina Marwan at Usman na sila ay huhulihin?” Samantala, iniatras na nina Sens. Alan Peter Cayetano at JV Ejercito ang kanilang authorship sa tinatalakay na Bangsamoro Basic Law na magkakaloob ng mas malawak na awtonomiya sa mga Muslim sa Maguindanao. Kinuwestiyon nila ang commitment at katapatan ng MILF sa usapang-pangkapayapaan dahil sa naganap na masaker sa 44 pulis. Duda ang mga Pinoy na hindi matapat ang MILF sa peace talks. Bakit nila pinababayaang magkuta sina Marwan at Usman sa lugar na kanilang teritoryo, at nang sila ay sisilbihan ng arrest warrant, tumulong pa sila sa BIFF sa pagpaslang sa mga pulis ng SAF?

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa puntong ito, inuulit ko na higit na tama at kapuri-puri ang idineklarang “all-out war” noon ni ex-Pres. Joseph Estrada sa MILF. Nakubkob ng military ang halos lahat ng kanilang kuta at kampo at naparalisa ang kanilang kilusan!