SA encounter o misencounter na naganap sa Mamasapano, Maguindanao ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at Philippine National Police Special Action Force (SAF), nalagasan ng marami ang SAF. Kung ilan ang mga ito ay hindi pa malinaw; 64 na bangkay ang nakuha sa lugar ng insidente ayon sa MILF, 44 naman, ayon sa PNP. Pero ang malinaw ay nasa lugar ang SAF dala dala ang warrant of arrest upang dakpin sina BIFF commander Basit Usman at Malaysian Zulkifli Hir alyas “Marwan”.
Si Marwan ay isang bomb expert na konektado sa grupo ng mga terroristang Jemaah Islamiyah na nakabase sa Indonesia. Siya ay nasa listahan ng Amerika na most wanted terrorist at may limang milyong dolyar ang makadadakip dito, samantalang dalawang milyong dolyar naman ang pabuya sa makakahuli kay Usman.
Naganap ang insidente habang nakabimbin sa kongreso ang panukalang batas na lilikha ng bagong rehiyon ng Bangsamoro sa Mindanao. Dinidinig nga ito ng komite ni Sen. Bongbong Marcos upang maalis ang anumang probisyon nito na lalabag sa Saligang Batas. Iniaasa ng pamahalaan ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kapag ito ay naging batas. Ang problema, sinuspinde ni Sen. Marcos ang pagdinig na ginagawa ng kanyang komite dahil sa naganap na insidente. Hintayin muna raw ang resulta ng mga ginagawa nang imbestigasyon. Pero, pinangunahan na ni Sen. Alan Cayetano ang ilang kapwa niya mambabatas na ipinabubura nila ang kanilang pangalan sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL). Hindi raw niya nakita ang katapatan ng MILF sa layuning makipagkapayapaan sa pamahalaan.
Pumapanig ako sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pagnanais nitong ituloy ng gobyerno ang peace agreement sa MILF at pagpasa ng BBL. Alam kong kahit kanino makipag-usap ang pamahalaan tungkol sa kapayapaan ng bansa lalo na ng Mindanao at pagkakaisa ng mamamayang Pilipino, laging may sasabotahe rito gaya ng pamamaraang encounter o misencounter. Kapag tayo ay bumigay sa mga nanabotahe ngayon, huwag na tayong umasa pa na kahit kailan ay magagawa pa natin ang malayo nang narating ng pakikipag-usap natin sa mga Muslim ukol sa ating pakikipag-isa sa kanila at para sa kapayapaan. Kahit ilang buhay ang masakripisyo, huwag na tayong lumingon at paistorbo pa sa mga balakid na inilalagay sa ating daraanan. Hindi magtatagal, lilinaw din sa ating lahat kung sino ang nais na tayo ay magkahiwa-hiwalay dahil sa ikasusulong ng kanilang sariling interes.