Sinibak kahapon sa kanyang posisyon ang tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) sa hindi pa rin mabatid na kadalihanan.

Kinumpirma ni Senior Supt. Robert Po, deputy chief ng PNP-Public Information Office, na may inilabas na relief order ang pamunuan ng PNP kay Chief Supt. Wilben Mayor bilang PNP spokesman.

Sinibak si Mayor sa kainitan ng isyu sa pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) sa Mamasapao, Maguindanao matapos tambangan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong Linggo ng madaling araw.

Nitong mga nakaraang araw, magkakaiba ang tono ng pulisya, militar at iba pang sangay ng gobyerno nang tukuyin ng ilang opisyal ang insidente bilang “misencounter” habang ang iba ay “ambush.”

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1985, nagsilbi si Mayor bilang PNP spokesman at hepe ng PNP-PIO ng halos apat na buwan.

Nasungkit ni Mayor ang kanyang one-star rank o chief superintendent bilang PNP spokesman nitong nakaraang taon.

Hindi pa rin malinaw kung saang puwesto ililipat si Mayor subalit ayon sa sources, ang itinalagang kapalit niya bilang tagapagsalita ng Pambansang Pulisya ay si Chief Supt. Generoso Cerbo Jr.

Ito ang ikalawang pagkakataon na uupo si Cerbo bilang PNP spokesman, na kanya ring hinawakan halos dalawang taon na ang nakararaan.