Maliit ang tsansang maglusand ang pamahalaan ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos ang naganap na pagpatay sa 44 tauhan ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Linggo.

Sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na naninindigan ang gobyerno na ipagpapatuloy ang usapang pangkapayapaan sa sesesyunistang grupo kasabay ng pagpawi ng pangamba ng ilang sektor sa sinseridad ng MILF matapos ang pananambang.

“Let us continue to find the way forward without losing sight of our ultimate goal of bringing just, inclusive and enduring peace that our people have been longing for and which our people - especially our children - deserve,” pahayag ni Deles.

Ito ang pahayag ni Deles bilang reaksiyon sa komento ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na hindi dapat pagkatiwalaan ang MILF bunsod ng pamamaslang sa mga police commando.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Iginiit din ni Estrada na tanging ang all-out war sa MILF ang solusyon upang maibalik ang kaayusan at katahimikan sa Mindanao na halos apat na dekada nang nababalot sa kaguluhan.

Noong kanyang termino bilang pangulo, ipinag-utos ni Estrada ang paglulunsad ng malawakang opensiba laban sa MILF noong Oktubre 2000 na nagresulta sa pagkakakubkob ng pinakamalaking kuta ng rebeldeng grupo na Camp Abubakar sa Barira, Maguindanao.

Umapela rin si Deles sa mga lider ng Kongreso na muling ikonsidera ang kanilang desisyon na ibasura ang Bangsamoro Basic Law bunsod nang Mamasapano carnage.