Gaya ng inaasahan, muling sumandal ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa di-matatawarang laro ni season MVP Howard Mojica upang gapiin ang College of St. Benilde (CSB), 25-21 23-25, 25-19, 25-20, at angkinin ang titulo sa Game 3 ng kanilang final series ng NCAA Season 90 men`s volleyball tournament sa FilOil FLying V Aren sa San Juan City.

Winalis ng Generals ang huling dalawang laban matapos maunahan sa Game One upang maibigay sa kanilang paaralan ang unang titulo sa NCAA.

Nagposte si Mojica ng game-high 28 puntos para pamunuan ang Generals sa do-or-die match kasunod ng kanyang ipinosteng 33 puntos sa Game Two kung saan ay humantong sa Game Three ang serye sa pamamagitan ng isang dikdikang 5-setter win.

“Nagbunga rin sa wakas ang lahat ng hirap namin,” ayon kay EAC coach Rod Palmero, na bumawi sa natamong kabiguan sa dating kampeon na Perpetual Help Altas sa nakalipas na taong finals.

National

Amihan, shear line, magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Sa kabuuan ay nagtala si Mojica ng series average na 29 puntos na siya ring naging susi upang tanghalin siyang Finals MVP.

Dahil din sa naturang tagumpay, kahit paano ay natabunan ang hindi magandang reputasyon na ibinigay sa paaralan ng kanilang men`s basketball team na matatandaan ay nakipagrambulan sa koponan ng Mapua noong nakaraang semestre na nagresulta sa suspension ng napakaraming manlalaro sa magkabilang panig.