Apat na indibidwal na nagpakita ng galing sa kanilang isports sa nagdaang taon ang tatanggap ng espesyal na pagkilala mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa susunod na buwan na inihahandog ng MILO.
Si Alyssa Valdez ay muling pinangalanan bilang Ms. Volleyball, ang jin na si Jean Pierre Sabido ay tinanghal na Mr. Taekwondo, habang sina Tony Lascuna at Princess Superal naman ay pararangalan naman bilang Golfers of the Year ng pinakamatandang media organization ng bansa sa Pebrero 16.
Ang apat ay kabilang sa may 70 personalidad at entities na inaasahang maghahati sa limelight sa taunang pormal na pagtitipon na suportado rin ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman Richie Garcia.
Si Valdez, na pinarangalan din bilang Ms. Volleyball noong nakaraang taon, ay iginiya ang Ateneo Lady Eagles sa kanilang unang UAAP women’s volleyball championship nang mapagwagian ang thrice-to-beat advantage ng karibal na De La Salle sa Finals.
Sa kabilang dako, si Sabido ay naging most bemedalled jin noong nakaraang taon nang manalo ng isang pares ng ginto (individual freestyle at team) sa 9th World Taekwondo Poomsae Championships sa Aguascalientes, Mexico, kung saan din siya hinirang bilang MVP sa freestyle event, male category.
Dagdag dito, naibulsa rin niya ang ginto (individual freestyle) sa 3rd Asian Taekwondo Poomsae Championship sa Tashkent, Uzbekistan.
Napanalunan naman ni Lascuna ang korona sa ICTSI Philippine Golf Tour Order of Merit sa ikatlong sunod na taon matapos manguna sa taunang event kasama ang total earnings na P3,181,565.
Hindi naman nagpahuli si Superal at inihiwalay niya ang sarili bilang top amateur golfer ng bansa kasunod sa kanyang mga pagwawagi sa U.S. at Southeast Asia.
Ang 17-anyos ay naging unang manlalaro mula sa Pilipinas na nanalo sa isang United States Golf Association event nang kanyang talunin si three-time Women’s Mexican Amateur champion Marijosse Navarro sa US Girls Junior Championship sa Forest Highlands Golf Club sa Flagstaff, Arizona.
Nakipagtambalan siya kay Mia Legaspi at buong Philippine team at tinalo ng mga batang Pilipina ang paboritong Thais upang mapanalunan ang Santi Cup ng 13 strokes sa Empire Hotel and Country Club sa Brunei.
Una nang pinangalanan ng PSA bilang bahagi ng honor roll nito sa event na suportado ng Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Globalport, at Rain or Shine sina Tim Cone (Excellence in Basketball) at ang 1973 Philippine men’s team (Lifetime Achievement Award).
Hindi pa inaanunisyo ang magwawagi ng Athlete of the Year award na pinaglalabanan nina Daniel Caluag ng cycling, Donnie Nietes ng pro boxing, at Gabriel Moreno ng archery.