Mga laro ngayon (Mall of Asia Arena):
8am -- NU vs. UP (m)
10am -- Adamson vs. La Salle (m)
2pm -- UP vs. UE (w)
4pm -- FEU vs. La Salle (w)
Makabangon mula sa natamong kabiguan sa kamay ng kanilang archrival at defending womens` champion na Ateneo de Manila sa pagtatapos ng unang round ang tatangkain ng dating kampeong De La Salle University sa kanilang pakikipagsagupa sa Far Eastern University sa pagsisimula ng second round ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Yumukod ang Lady Spikers sa Lady Eagles sa loob ng limang sets sa labang sinaksihan ng record crowd sa isang volleyball match sa kasaysayan ng sports sa bansa.
Bunga nito, tumapos silang pangalawa sa Lady Eagles na winalis ang pitong laro sa first round taglay ang barahang 6-1, panalo-talo.
Nakatakda nilang sagupain sa tampok na laro ngayong ika-4 ng hapon ang Far Eastern University na magtatangka namang kumalas buhat sa kanilang 3-way tie kasama ng Adamson University at University of the Philippines taglay ang magkakaparehas na barahang 3-4, panalo-talo sa ika-apat na puwesto kasunod ng nagsosolo sa ikatlong puwesto na National University na may kabaligtaran namang barahang 4-3.
Gaya ng dati, inaasahang pamumunuan ni league-leading scorer Ara Galang ang Lady Archers kasama ang setter na si Kim Fajardo at mga kapwa beteranong hitters na sina Mika Reyes at Cyd Demecillo habang sasandig naman ang Lady Tams para sa hangad na makabawi sa kanilang first round na kabiguan sa La Salle sina Bernadette Pons, Tony Rose Basas,Geneveve Casugod, Remy Joy Palma at setter Ina Papa.
Mauuna rito, magtutuos sa unang women`s match ang Lady Maroons at wala pang panalong University of the East Lady Warriors ganap na alas-2 ng hapon matapos ang unang laban sa kalalakihan.
Itataya ng Adamson Falcons at ng defending champion National University na kapwa nagtapos sa unang round na may 6-1 na kartada ang kanilang pamumuno sa pagsalang sa magkahiwalay na laro, ang Bulldogs sa pambungad na laban ganap na ika-8 ng umaga laban sa UP Figthing Maroons na nasa ikatlong puwesto taglay ang record na 3-4,panalo-talo at ang Falcons laban sa La Salle Green Spikers (1-6) sa ika-10 ng umaga.