KAHAPON nalaman mo na kailangang hanapin mo ang ano mang nagpapasaya sa iyo. Maglaan ng oras araw-araw upang ma-enjoy mo iyon. Dahil dito, mas makaiisip ka nang mabuti at magkakaroon ng mas malinaw na pananaw sa buhay. Ipagpatuloy natin ang tips upang matamo ang mas mainam mong pagkatao...
- Walang taong perpekto. – Ang isa pang balakid sa aking buhay ay ang pagsisikap kong maging perpekto. Lagi kong iniisip na kung perpekto lamang ako, lahat kaya kong ayusin, lahat kaya kong gawin, lahat kaya kong pasayahin. Ngunit hindi natin maaabot ang pagiging perpekto. Kapag gumawa tayo ng isang bagay at sa isip natin perpekto iyon, laging may ibang makagagawa ng mas maganda, mas mabilis, mas malaki o makahahanap sila ng pagkakamali sa nagawa mo. Hindi mo dapat target ang pagiging perpekto. Sa halip, gawin na lamang ang nararapat. Sa ganoong paraan, hindi lamang mapabubuti mo ang iyong sarili kundi pati na rin ang mga tao na nasa iyong paligid.
- Lumabas ka sa iyong comfort zone. - Hindi ka kailanman matututo o lalago kung hindi ka lalabas sa mga nakagawian mo na. Maaari ngang nakatatakot ang lumabas sa comfort zone, ngunit sa totoo lang mas nakabubuti iyon para sa atin. Mula sa pagdalo sa isang social event hanggang sa paghahanap ng bagong trabaho hanggang sa pagsisimula ng isang negosyo, laging mayroon tayong matututuhan at may paraan upang lumago. Kung maaaalala mo ang sandaling sumaya ka, ito yaong mga pagkakataong sumubok ka ng bago at nagtagumpay.
- Tumulong sa kapwa. – Ang pagtulong sa kapwa ay isang magandang paraan upang gawing mas mainam ang iyong sarili. Kapag nakisimpatiya ka sa iba, tumugon sa mga nangangailangan, mauunawaan mo rin ang iyong sarili. Iwasang maging makasarili kung kaya nakatutok ka lang ang iyong pangangailangan. Ang buhay ay tungkol sa mga ugnayan, at sa pagtulong sa kapwa makabubuo ka ng mga koneksiyon na maaaring tumagal habambuhay.