ULAN ng mga pagpapalâ ang natamo ng mamamayan ng Leyte at ng mga deboto mula Bohol, Samar, at iba pang probinsiya sa Visayas noong Sabado sa kanilang pagdalo sa misa sa Tacloban airport. Ang mga pagpapala ay nagmula rin kay Pope Francis na naparoon mula sa Rome upang makapiling sila sa araw na iyon.

Mahigit isang taon na ang nakalilipas nang magpahayag si Pope Francis ng kanyang pagnanais na makapiling ang mga mamamayan sa Eastern Visayas matapos hagupitin ng super-typhoon Yolanda ang mga komunidad at kanilang pamumuhay. Nais niyang makibahagi sa kanilang pagdurusa at personal niyang igawad sa kanila ang kanyang pagpapala.

Sa wakas, kasama na nila siya noong Sabado, gayong kinailangang paigsiin ang kanyang pananatili sa kanila dahil sa paparating na bagyong Amang. Doon niya nakita ang kanilang katatagan at ang kanilang pananampalataya, sa harap ng kalamidad. At nanalangin siya sa Diyos upang pagpalain sila.

Nakikibahagi ang buong sambayanan sa pagpapala ng pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas. “As many of our poor people are just beginning to rise from recent natural and man-made calamities, as we are struggling, you, Holy Father, came to us,” ani Luis Antonio Cardinal Tagle, archbishop of Manila, sa Papa sa Manila Cathedral noong Biyernes. Ang katotohanan ng kanyang presensiya rito ay naging inspirasyon para sa lahat, hindi lamang ng mga biktima ng kalamidad.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nangusap si Pope Francis hinggil sa katiwalian, kahirapan, at kawalan ng katarungan, sa kanyang pakikipagkita sa mga opisyal ng bansa noong Biyernes. Inaasahan na mauunawaan ng mga opisyal na ang mga salitang iyon ay nakatuon sa kanila, gayong kailangang makita ng bawat mamamayan na maaari itong makaambag sa kinakailangang pambansang transpormasyon.

At pagkatapos ng apat na araw, tinatapos na ni Pope Francis ang kanyang pagbisita sa Pilipinas ngayon. Tiyak na nakita niya ang kasiglahan ng sambayanan sa pagtanggap na pinahahalagahan ang kanyang presensiya – sa kanyang pagiging Vicar of Christ sa bansang Kristiyano na ito, at sa kanyang pamumuno sa mga pagsisikap na gawin itong mas mainam na daigdig. Nakita rin niya ang tumatangis na mukha ng mga dukha at ng inabandonang mga bata sa kanyang pakikipagkita sa kabataan sa University of Santo Tomas, kung kaya naantig siyang sabihin sa madla na kailangan din nilang matutong lumuha, ang magmahal at magbahagi.

Ang kanyang pagbisitang pastoral ay makatulong nawa sa pagbabago ng ating bansa – sa ating mga institusyon, sa ating mga opisyal, at sa bawat isa sa atin.