Nagsalo sa liderato ang Adamson University (AdU) at National University (NU) sa men’s division habang nakopo naman ng Far Eastern University (FEU) ang top spot sa women`s side makaraan ang dalawang rounds ng UAAP Season 77 chess tournament na ginaganap sa ikaapat na palapag ng Henry Sy sa De La Salle University (DLSU) campus.

Naitala ng Falcons ang 2.5-1.5 panalo sa University of Santo Tomas (UST) sa opening round bago ginapi ang University of the Philippines (UP), 3.5-1.5, sa second round.

Pinangunahan naman ng nakaraang season Rookie of the Year na si Austin Literatus, tinalo ng Bulldogs ang Ateneo, 3-1, sa first round bago sinorpresa ang defending champion FEU, 3-1, sa second round.

Ang Adamson, na tumapos na second placer noong nakaraang taon, at ang NU ay mayroon sa ngayong natipon na tig-6 na puntos, kalahating puntos ang agwat sa bumubuntot sa kanila na UST na taglay naman ang 5.5 puntos.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Pinangunahan naman ang Lady Tamaraws ni Woman International Master Janelle Mae Frayna na nanaig laban kay reigning MVP at kapwa niya WIM na si Jan Jodilyn Fronda sa Board 1 kung saan ay pinataob ng FEU ang De La Salle, 2.5-1.5, sa opening round bago isinunod ang University of the East (UE), 3-1, sa second round.

Nakapagposte ang FEU ng 5-5 puntos, kalahating puntos ang lamang sa Lady Archers na nakabangon sa nalasap na kabiguan sa opening makaraang gapiin ang Lady Bulldogs, 3.5-.5.

Magkasalo naman sa ikatlong puwesto ang Tigresses at ang Lady Bulldogs na kapwa may 4.5 puntos.