Posibleng maantala ng halos isang buwan ang pagsusumite ng bid para sa P123-bilyon Laguna Lakeshore Dike-Expressway na itinuturing na pinakamagastos na proyekto ng gobyerno, sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) scheme.

Kasabay nito, pinaboran din ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kahilingan ng mga bidder na ipagpaliban ang deadline ng pagsusumite ng pre-qualification documents sa Pebrero 27 mula sa orihinal petsa nito na Enero 14.

Aminado si PPP Center Executive Director Cosette Canilao na ang pagkakaantala ng pre-qualification ng mga bidder ay makaaapekto sa deadline ng submission ng bid na itinakda sa Hulyo 6.

“Napakalaking proyekto nito at nakatatanggap kami ng apela mula sa iba’t ibang partido. Inaalam pa namin kung kayang gawin sa Hulyo 6 (ang bid submission),” pahayag ni Canilao.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Aabot sa 22 dayuhan at lokal na bidder ang nagpahayag ng interes sa 47- kilometrong Laguna Lakeshore Dike-Expressway project mula sa Taguig hanggang sa Los Baños, Laguna.

Ang toll road, na magsisilbi ring flood control facility, ay magkakaroon ng tatlong lane sa magkabilang panig, walong interchange, 16 na tulay at 16 na pumping station.

Ang konstruksiyon ng pasilidad ay nagkakahalaga ng P64.9 bilyon at kaakibat nito ay ang reclamation ng 700-ektaryang baybayin na aabutin sa P57.9 bilyon.

- Kris Bayos