Naghanda ng traffic management plan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban City at sa Palo sa Leyte ngayong Sabado.
Ngayong umaga, mula sa Villamor Airbase sa Pasay City ay lalapag ang eroplanong sinasakyan ng Papa sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City.
Batay sa traffic plan, inihayag ng MMDA na isasara sa mga motorista ang pangunahing ruta mula sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City patungo sa Archbishop’s Residence sa Palo.
Kabilang sa mga kalsadang isasara sa motorista ang Picas San Jose DZR Airport Road, Tacloban Baybay South Bay at Palo Carigara Ormoc City Road.
Magmimisa rin si Pope Francis sa isang open space malapit sa Tacloban airport.
Makikisalo rin ang Papa sa pananghalian sa palo ng mga pamilyang nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’ at ng malakas na lindol sa Bohol.
Babasbasan din ng Papa ang Pope Francis Center for the Poor sa Palo.
Matapos dumalo sa iba’t ibang aktibidad sa Leyte, magbibiyahe ang Papa pabalik ng Maynila ngayong Sabado rin, mula sa Tacloban.
Ngunit bago pa dumating si Pope Francis ay nagpakalat na ang MMDA ng mga tauhan ng Task Force Phantom sa Tacloban at Palo.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang Task Force Phantom ay binubuo ng 200 motorcycle traffic enforcer, rescue personnel, road clearing personnel at crowd control unit.