Matapos ang pagbisita ni Pope Francis simula Enero 15 hanggang 19, 2015, patuloy na mananatili ang Pilipinas sa limelight sa pagiging host naman ng unang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Senior Officials’ Meeting (SOM1) sa Luzon.
Ang Pilipinas ang magiging host ng unang APEC Senior Officials’ Meeting and Related Meetings (SOM1) simula Enero 26 hanggang Pebrero 7, 2015 sa Clark at Subic Freeport Zones.
Magsisimula ang SOM1 sa serye ng mahigit 30 working group at committee-level meetings na magko-cover sa iba’t ibang topiko: Trade and Investment, Economic and Technical Cooperation, Anti-Corruption, Counter Terrorism, Competition Policy, Ocean and Fisheries, Customs, E-Commerce, Life Sciences, Health, Illegal Logging, and Services.
Tatalakayin din sa iba’t ibang pagpulong kung paano maisusulong ng bawat APEC working group ang mga prayoridad at tema ng APEC 2015 na “Building Inclusive Economies, Building a Better World.”
Ang serye ng working group and committee-level meetings (mula Enero 26 hanggang Pebrero 5) ay magtatapos sa Senior Officials’ Meeting na gaganapin sa Pebrero 6 hanggang 7, 2015 sa Fontana Leisure Park, Clark Freeport Zone, Pampanga.
Bilang host, idadaos din sa Pilipinas ang Public-Private Dialogue (PPD) sa Information Technology and Business Process Management (IT-BPM), Creative Industries, at Research and Development Services sa Pebrero 3, 2015.
Ang PPD on Services ay ang una sa “Dialogue Series,” na naglalayong gabayan ang APEC Senior Officials and the APEC Business Advisory Council (ABAC) sa pagsusulong sa trade in services sa Asia-Pacific region.
Ang APEC Leaders’ Summit ay gaganapin sa Nobyembre ng taong ito.
Magugunita na sa APEC Summit sa Vladivostok, Russia, ang Pilipinas ay pormal na inanunsiyo bilang host ng APEC Summit sa 2015. Susunod sa Pilipinas bilang host ang Peru. (Madel Sabater-Namit)