Lahat tayo ay naghahangad na maging mas mainam, maging mas mainam na anak, mas mainam na kaibigan, mas mainam na asawa, mas mainam na whatever. Ngunit mas madaling sabihin iyon kaysa gawin.
Kapag hinahangad mong maging mas mainam, nakikita mo ba ang iyong sarili sa katauhan ng iyong hinahangaan? Kung gayon, mali ang iyong pananaw.
Upang maging mas mainam ang iyong pagkatao, kailangang pagtuunan mo ng atensyon sa pagiging mas mainam na ikaw, hindi ang gayahin mo ang ibang tao. Hindi maaari iyon. Ikaw ay unique, walang katulad, walang kapantay na halaga. Gayunman, lahat tayo ay mangangailangan ng pagbabago. Huwag kang tumutok sa pagiging perpekto o mayaman o sikat. At kahit na kaya mo iyon, hindi makatutulong iyon upang maging mas mainam ang iyong pagkatao.
So, anu-ano ang mas realistic na mga hakbang upang matamo ang hinahangad mong mas mainam na ikaw? Narito ang tips na maaari mong subukan:
- Magtrabaho nang mahusay. - May rewards ang pagiging masipag. Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi ka na magpapahinga sa iyong kakatrabaho. Hindi rin ang itali mo ang iyong sarili sa silya upang manatili ka sa iyong ginagawa. Ang ibig sabihin niyon ay ang pagsisikap mong magdulot ng pulidong resulta sa lahat ng iyong ginagawa: isang project, paglilinis ng bahay o ng inyong sasakyan, pag-aalaga ng bata, o kahit na ano na magbibigay sa iyo ng pakiramdam ng tagumpay at may nagawa kang kapaki-pakinabang.
Sa pagtatrabaho nang mahusay naroon ang positibong pakiramdam na parang kaya mong mag-accomplish ng mas marami pa. Alamin kung ano ang nagdudulot sa iyo ng ganitong pakiramdam at iyon ang pagtuunan mo ng iyong lakas at atensiyon.
Maaari ring magbago nang maraming beses ang iyong isip sa buong buhay mo pero okay lang iyon. Tandaan: normal ang pabagu-bago ng isip. Huwag lamang babalik sa pinanggalingang antas dahil hindi iyon makatutulong sa iyong pagbabago. Laging pasulong ang hakbang, hindi pabalik.
Sundan bukas.