Ihahayag na ngayong linggo ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pangalan ng mga bilanggong mabibiyayaan ng executive clemency bilang regalo kay Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa Enero 15-19.

Ito ang inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima matapos niyang isumite sa Malacañang ang listahan ng mga preso na inirekomendang mabigyan ng pardon ng Pangulo.

Subalit tumanggi ang kalihim na idetalye ang bilang ng mga bilanggo na inirekomenda niyang mabigyan ng pardon.

Una nang binanggit ni De Lima na mahigit 200 pangalan ng mga convict ang posibleng makasama sa listahan na kanyang isusumite kay Aquino.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Naisumite ko na kay Pangulong Noy (Aquino) ang listahan ng mga recommendee for executive clemency. But pending pa ang aksiyon ng OP (Office of the President), at hindi namin maaaring ihayag kung ilan sila,” saad sa text message ni De Lima.

Ayon sa isang source mula sa Department of Justice (DoJ), nagsumite ang Bureau of Pardons and Parole ng 47 pangalan ng inmate subalit sinabi ni De Lima na nais ng Pangulo ang mas mahabang listahan para sa executive clemency dahil ito ay regalo ng Presidente kay Pope Francis.

Karamihan sa inirekomenda sa pardon ay mga senior citizen at may matinding karamdaman, ayon sa source.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu, hindi kabilang ang road rage convict na si Rolito Go—na nakikipaglaban sa cancer sa nakalipas na limang taon—sa mga bilanggong inirekomendang mabigyan ng parole.

Ito ay matapos kontrahin ng pamilya at kamag-anak ni Eldon Maguan, na pinatay ni Go sa alitan sa trapiko sa Greenhills, San Juan noong 1991, ang pagbibigay ng executive clemency sa sentensiyadong negosyante.