Nagmatigas pa rin si Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala na huwag mag-leave of absence sa gitna ng panawagan ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian kaugnay ng alegasyong sangkot umano ang kalihim sa kartel sa bawang at sibuyas.
Ayon kay Alcala, wala umano siyang kinalaman sa alegasyong nagbibigay ng go-signal upang aprubahan ang mga import permit ng mga garlic at onion importer.
Aniya, makikinabang lang ang mga importer sa nasabing pinasabog na kontrobersiya upang mapatalsik umano siya sa puwesto.
“Hindi ko puwedeng irekonsidera ‘yan, kasi mismong Malacañang po, si Secretary Coloma ang nag-statement, pati NBI na nagsabing wala naman po’ng konkretong ebidensiya linking me. Sana tinitimbang nila [kung] ano ang nagawa ng kagawaran [para] sa ating mga magsasaka,” pagdidiin nito.
Paliwanag ni Alcala, wala umano siyang pinipirmahan para sa import permit. “It’s not within my mandate, hanggang sa bureau director lang ng Bureau of Plants. Hindi lang ako ang kagawaran na may ganitong situation, na lahat is under me. Kung mga smuggler na nagpupuputak, mas maawa tayo sa ating magsasaka,” paglilinaw ng kalihim.
Pinaiimbestigahan na rin niya, aniya, ang napaulat na aabot sa 67 porsiyento ng garlic import permit mula sa 2010 hanggang 2014 ang nakukuha ni Lea Matabang-Cruz, isang garlic importer.