Simula ngayong Lunes ay isasailalim na ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa pinakamataas na antas ng security alert bilang paghahanda sa pagdating ni Pope Francis sa bansa sa Huwebes.

Ipinaliwanag ni Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng PNP, na ang pagtataas sa full alert status ay bahagi ng standard operating procedure tuwing may malalaking kaganapan sa bansa, tulad ng nakatakdang pagbisita ng Papa sa bansa.

Bukod sa pagdalo sa iba’t ibang okasyon sa Maynila mula sa pagdating niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Huwebes, magtutungo rin ang lider ng Simbahang Katoliko sa Tacloban City at Palo sa Leyte upang makahalubilo ang mga nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’.

Iginiit naman ng opisyal na walang natatanggap na banta sa pagdating ng Papa bagamat patuloy pa rin ang intelligence-gathering operation ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Mahigit 25,000 pulis mula sa dalawang task force na itinatag ng PNP ang magbibigay ng proteksiyon sa papal visit—isa sa Maynila at isa sa Leyte.

Bagamat nakaalerto ang pulisya laban sa posibleng banta, umapela pa rin si Espina ng kooperasyon ng mamamayan hinggil sa paghihigpit ng seguridad sa susunod na mga araw.

“I would like to appeal to our kababayan to remain on the designated areas in every activities of the Pope, there will be marshals and it would be for everybody’s good if these marshals are followed,” pahayag ni Espina. - Aaron Recuenco