Popondohan ng PNoy administration ang military ng P7.04 bilyon para makabili ng modernong kagamitan, eroplano at iba pang pangangailangan. May 67 upgrade project ang nakatakdang tanggapin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang ilang air assets at drones, upang maging epektibo sa paglaban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Abu Sayyaf Group at mga elementong kriminal sa iba’t ibang panig ng bansa.
Batay sa mga report, tig-18 proyekto ang ilalaan para sa Philippine Army at General Headquarters; sa Philippine Navy ay 16 proyekto at sa Philippine Air Force ay 13.2 proyekto. Ang dalawang proyekto ay para sa government arsenal.
Inuulit ko, kung ang ganitong pagsisikap at pagmamalasakit ng kasalukuyang administrasyon para maging makabago ang AFP (pati na ang PNP, Philippine Coast Guard) ay isinagawa lamang mula noong panahon nina Marcos, Cory Aquino, Ramos, Macapagal-Arroyo, at Estrada, hindi sana tayo dinuduru-duro ngayon ng China at inaagawan ng mga teritoryo sa Spratly Islands.
Kung may petisyon sa Supreme Court (SC) laban sa pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), mayroon ding petisyon sa SC na ipatigil nito ang order ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng dagdag na P0.04 per kilowatt-hour hike sa Meralco. Ano ba naman kayo, kababagong-taon ay kung anu-anong pagtataas ang inyong naiisipan at ipinapataw sa mga mamamayan!
Ang pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT ay tinawag ng mga kritiko na isang highway robbery na ang biktima ay libu-libong pasahero araw-araw. Imagine, ang EDSA na dinaraanan ng MRT ay itinuturing na isang makasaysayang lansangan o lugar na naging saksi sa People Power Revolution na nagpagbagsak sa isang diktador noong 1986.
Ngayon, ang MRT ay parang isang “highway robber” na ang mastermind ay si DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na may basbas ni PNoy. Sabi nga ng ilang senador: “Hudas ang DOTC.” Mga Hudas ng bayan, magsipagbago na kayo ngayong 2015.