Mag-aagawan sa silya para sa nalalapit na 28th Southeast Asian Games sa Singapore ang mga pambansang atleta na kabilang sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) sa gaganapin na 2015 National Open Track and Field Championships sa Marso 19 hanggang 21 sa Laguna Sports Complex.
Ito ang napagpasyahan matapos ang pagpupulong ng PATAFA sa pangunguna ng pangulo nitong si Philip Ella Juico kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex kung saan ang torneo ang magsisilbing huling pilian para sa mga atleta nito na nagnanais makasama sa pambansang delegasyon.
“All athletes, including those based abroad, will have to compete in the National Open so we can determine who will make it to the Singapore SEA Games,” sabi ni Juico.
Asam ng PATAFA na malampasan nito ang anim na ginto, apat na pilak at tatlong tanso na iniuwi sa nakalipas na ika-27 edisyon ng torneo na isinagawa sa Myanmar.
Iniuwi ng Pilipinas ang kabuuang 29 ginto, 34 na pilak at 38 tanso sa kabuuang 101 medalya.
Inaasahang sesementuhan nina Edgardo Alejan Jr., Archand Christian Bagsit, Isidro Del Prado Jr. at Julius Nierras Jr. ang silya sa men’s 4x400m relay; Jesson Ramil Cid sa men’s decathlon; Eric Shauwn Cray sa men’s 400m hurdles; Archand Chrisitan Bagsit sa men’s 400m; at Henry Dagmil sa long jump.
Inaasahan ding lalahok ang mga Fil-American na kinabibilangan nina Caleb Stuart at Tyler Ruiz.