Isang sundalo ang napatay at tatlong iba pa ang nasugatan sa magkakasabay na pag-atake ng mga rebeldeng Muslim sa mga kampo ng militar sa Sultan Kudarat at Maguindanao noong Sabado, ayon sa tagapagsalita ng militar.
Sumiklab ang isang-oras na paglalaban nang salakayin ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang kampo ng militar sa President Quirino, Sultan Kudarat Biyernes ng hatinggabi, ayon sa pahayag ni Captain Jo-ann Petinglay.
Tumututol sa kasalukuyang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng dating kinaaanibang Moro Islamic Liberation Front (MILF), naglunsad din ng pag-atake ang MILF sa isa pang kampo sa General Salipada K. Pendatun sa Maguindanao province, ayon kay Petinglay.
Aniya, layunin ng magkasabay na pagsalakay na isabotahe ang mga negosasyon, idinagdag na ang mga rebelde “will continually be a potent spoiler to peace”.
Humiwalay ang BIFF sa MILF noong 2008 para ipaglaban ang isang hiwalay na estadong Islam mula sa Katolikong Pilipinas.
Hindi naman nagkomento ang grupo sa nasabing mga pag-atake kahapon.
Sinisisi rin ng militar ang BIFF sa pambobomba sa isang bus sa Mindanao noong Disyembre na ikinamatay ng 10 katao, at pananambang nitong Nobyembre sa isang army major at dalawang tauhan nito.
Marso noong nakaraang taon nang lumagda ang MILF at ang gobyerno ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa isang kasunduang magsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran ng ekonomiya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at buong Mindanao. - Associated Press