OPENING SALVO ● Sa katigasan ng ulo ng nakararami sa ating mga kababayan, gumamit pa rin sila ng mga kuwitis at paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi pinansin ang mga panawagan ng gobyerno, pati na ng Department of Health na hinggil dito. Heto, nangyari na nga ang inaasahan… isang malaking sunog sa Bgy. Apolonio, sa Quezon City noong bisperas ng Bagong Taon. Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na paputok o kuwitis ang dahilan ng sunog sa naturang komunidad na sinindihan ng mga bata. May nakapagsabi na maraming bata ang nagpapaputok sa Bgy. Apolonio dakong 5:00 ng madaling araw na naging dahilan ng pagkasunog ng mahigit 4,000 bahay na gawa sa light materials.

Ang nagpalala pa sa apoy ay ang masisikip na eskinita na mahirap pasukin ng mga bombero. Isa lamang iyon sa halos sandosenang sunog na naganap sa buong bansa sa pagsalubong ng Bagong Taon. Hindi nagkulang ang ating gobyerno sa pagpapaalala na huwag nang gumamit ng paputok at mga kuwitis. Ganito talaga ang mangyayari taun-taon kung paiiralin ang ating katigasan ng ulo. Sino’ng dapat sisihin sa nangyari? Ang mga bata ba nagsibili o inabutan ng mga firecracker? Ang tindera ba ng paputok? O ang mga magulang na nagbibigay sa mga bata ng pambili ng firecracker? Hindi alam ng mga bata ang panganib na kaakibat ng kanilang mga ginagawa. Kung ang perang ibinigay sa kanila ay pinambili na lang sana ng pagkain… kung nakinig lamang ang mga nakatatanda sa mga paalala…Hindi sana nangyari ang opening salvo na ito para sa 2015.

***

WALANG KADALA-DALÂ ● May nakapag-ulat na kakaunti mga tinamaan ng stray bullet at marami ang naputulan ng daliri sa opening salvo ng 2015. Ayon sa Department of Health, mahigit sa 350 ang naitalang sugatan sa paputok mula Disyembre 31 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 1. Gayong bumaba ang bilang ng mga sugatan ngayong taon kumpara noong 2014, malinaw na may ilan pa rin sa atin ang pasaway. Ano kaya kung gawing ilegal ang paggawa ng paputok sa bansa nang hindi na maulit ang mga pangyayaring ito? Kung wala raw gagawa, walang magbebenta. Kung wala raw magbebenta, walang bibili. Pero ang papaputok daw ay pantaboy ng kamalasan… So, hindi pala totoo.
National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!