Kung tatakbo sa panguluhan si Sen. Grace Poe, wika ni Mayor Erap Estrada ng Maynila, sa kanya ako. Bago ito, lantarang siya ay kay VP Binay. Katunayan nga, siya, si Binay at Sen. Enrile ang nagtatag ng United Nationalist Alliance (UNA). Kung bakit nagbago si Erap, hayagan din naman niyang sinabi.

Kaibigan daw niyang matalik si Fernando Poe Jr., ama ni Grace. Pero, mababaw na dahilan ito. Kung magkakamag-anak nga ay magkakalaban at nagpapatayan dahil sa pulitika, anong dahilan para magkaroon ng bigat ang pagkakaibigan? Hindi nga tinulungan ni Erap si Da King nang ito ay kandidato sa panguluhan laban kay Pangulong Gloria. Ang totoo, personal lang na dahilan, na lagi naman, para atrasan niya ang nauna niyang pangako na tutulungan niya si Binay sa kanyang kandidatura para sa panguluhan sa darating na halalan.

Isa lang ito sa mga ilang bagay. Ang sabi ni Erap ay magreretiro na siya at ibibigay niya kay Isko Moreno ang pagkakataong tumakbo sa pagka-alkalde ng Maynila. Hindi ko alam kung inaasahan na niyang magiging laban sa kanya ang desisyon ng Korte Suprema na tanggalin siya sa kanyang kasalukuyang pwesto sanhi ng protesta ni dating Mayor Alfredo Lim. Pero may kinalaman man dito o wala, naalaala ko pa na noong huling halalan para sa panguluhan ay sinabi ni Erap na hindi na siya tatakbo. Pero, wika niya, kapag hindi nagkasundo ang oposisyon na isa lang ang sa kanila ang kakandidato ako ay kakandidato rin. Kumandidato nga. Sinasangkalan lang ni Erap ang pagsulpot ng pangalan ni Grace Poe para magtalusira siya sa napagkaisahan nila nina Binay at Enrile na si Binay ang kakandidato. Una, pagganti. Naniniwala si Erap na hindi siya tinulungan ni Binay bagamat ito ang kanyang pangalawang- pangulo nang tumakbo sila noong nakaraang halalan. Ikalawa, baka nagtalusira na rin si Binay sa napaulat noon na napagkaisahan nilang si Sen. Jinggoy Estrada ang kanyang pangalawang pangulo. Napakahirap nga naman silang magka-tandem gayong sila ay kapwa sabit sa katiwalian. Ikatlo, malaking posibilidad na tatakbo ulit si Erap. Normal naman ito sa ating pulitika, ang hudasan. Pamaskong handog ng mga pulitiko ito sa kanilang kapwa.
National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza