Masalimuot kung ilarawan ni Senate President Franklin Drilon ang daan na tinahak ng Senado ngayong 2014, pero epektibo pa rin aniya ito sa pagganap sa tungkulin.

Ayon kay Drilon, tatlong senador ang nakakulong matapos iugnay sa kontrobersiyal na multi-bilyong pisong pork barrel scam, bukod pa sa naging epekto sa mataas na kapulungan ng kontrobersiya sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

Aminado si Drilon na masakit para sa kanila na masangkot ang mga kasamahan sa eskandalo at naniniwala siya na sa bandang huli ay magkakaroon din ng linaw ang kontrobersiya.

“The search for truth may be painful, but this is a process that strengthens our government institutions and reinforces the trust and confidence of our people in our justice system. We are a government of laws, not of men. And no one is above the law,” ani Drilon.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, Senators Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr. ay nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame dahil sa umano’y pakikipagsabwatan kay Janet Lim-Napoles sa paglustay umano sa kani-kanilang PDAF.

Matapos makulong ang tatlo ay agad din na pinatawan ng 90-araw na suspensiyon ang mga ito ng Office of the Ombudsman. Bukod sa tatlo, hindi rin nakadadalo si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga sesyon ng Senado dahil sa lung cancer.

Pero para kay Drilon, nagagampanan pa rin ng Senado ang trabaho nito at bukod sa mga panukalang batas na naipasa, nakapag-imbestiga rin ito sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng gobyerno.

Kabilang sa mga ito ang isyung kinakaharap ni Vice President Jejomar Binay kaugnay ng umano’y pagtanggap ng kickback sa mga proyekto ng gobyerno noong ito pa ang alkalde ng Makati City, bukod pa sa pagkakaroon ng umamo’y malaking lupain sa Rosario, Batangas.

Sa imbestigasyon sa Malampaya fund scam, ang proyekto ay para sana sa magsasaka ngunit pineke ang lagda ng mga alkalde sa Luzon upang makubra ang halos P1 bilyon pondo sa pamamagitan ng mga bogus na non-government organization (NGO) na kinasasangkutan ni Napoles.