Sa madaling-araw ng Disyembre 24, matatapos na ang Simbang Gabi Mag-iiwan ang Simbang Gabi ng iba't ibang kulay at anyo ng mga alaala sa mga Pilipinong Kristiyano na naininiwala sa mensahe ng Pasko ng Pag-ibig, Paga-asa at Kapayapaan.

Matapos ang Simbang Gabi ay kasunod na ang Noche Buena sa Araw ng Pasko na paggunita sa pagsilang ng Dakilang Mananakop. Saan man panig ng daigdig, ang natatanging okasyong ito ay gagawin sa pamamagitan ng iba't ibang ritwal. Walang nakababatid kung kailan nagsimula ang tradisyon ng Noche Buena sa Pilipinas ngunit walang alinlangang ito ay dinala ng mga misyonerong Kastila nang simulan nila ang paghahasik ng binhi ng Kristiyanismo sa mga Pilipino. Para sa mga Kristiyano, ang Noche Buena ay pinakatampok na gabi sapagkat lalo pang magkakabuklod ang isang pamilya. Tumitibay ang samahan sa pamamagitan ng pagsalu-salo. Sa tradisyon at kulturang Pilipino, ang Noche Buena ay isang masayang reunion ng mga mahal sa buhay.

Sa literal na kahulugan, ang Noche Buena ay "magandang gabi". Ngunit sa tunay na kahulugan, ito ay isang pagtitipon ng pamilya na ang nakahain ay masasarap na pagkain. Bagamat hindi lahat ng Pilipino ay nakatitikim ng masarap na handa sa Noche Buena, kahit paano, naidaraos ito sapagkat naniniwala ang mga Pilipino na ang Pasko ay isang dakilang araw na may natatanging kahulugan---ang pagdiriwang ng pagpapahalaga sa pamilya. Isang walang hanggang mensahe ng kapayapaan sa daigdig at kabutihan para sa lahat ng tao.

Kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko,narito ang bahagi ng sinulat kong tula na may pamagat na "Kahulugan at Hiling sa Pasko": Sa puso ng tao/ may handog na galak/ ang araw ng Pasko,/Lalo't Noche Buena'y/ may langhap at sarap ng hamon at keso;/ Ngunit kung dalita'y/ nakayakap pa rin sa buhay ng Pilipino,/ Ang Pasko'y maghatid pa kaya/ ng Luwalhati't sigla at pag-asang bago? Sagana sa yaman/ bahaginan sana/ ang mga kuimain-dili,/ upang ang dalitang pasan,/ kahit ngayong Pasko'y kirot na mapawi;/ Malupit na puso/ na ang paghihirap/ ng kapwa ang mithi,/ maghasik-pag-ibig/ katulad ng Sanggol/ na ang pagmamahal/ sa sangkatauha'y/ walang paglalaho't laging natatangi." Maligayang Pasko sa inyong lahat!
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists