Sa nalalapit na pagsapit ng Pasko at Bagong Taon, tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na handa na ang kabuuang 150,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lansangan.
Nakipag-ugnayan na si Roxas kay PNP OIC Chief Supt. Leonardo Espina upang masigurong nakatutok ang mga awtoridad sa mga lugar na pinamumugaran ng mga krimen na tulad ng mga mall, istasyon ng LRT at MRT at terminal ng bus.
“Maglalagay tayo ng mga pulis sa mga lugar na ito dahil ang commercial areas ang pinupuntirya ng mga kriminal,” ani Roxas.
Kinumpirma ni Roxas na bumababa ang bilang ng krimen sa NCR dahil sa hindi bara-bara, hindi kanya-kanya at hindi ningas-kugon ang kalakaran sa ilalim ng OPLAN Lambat-Sibat.
Ipinaliwanag ng kahilim na bahagi nito ang “pasadya” na naaayon sa katangian ng lugar ang uri ng operasyong ipatutupad ng pulisya.
Tumutulong din sa pagpapanatili ng seguridad ang mga “force multiplier” na tulad ng mga volunteer, radio group at barangay tanod.
“Magandang Pamasko natin sa publiko ang ligtas na pamumuhay,” sabi ni Roxas.
Kabilang sa mga high-traffic at high-crime na lugar na ito ang mga mall at shopping center sa Marikina, Pasig, Mandaluyong, San Juan, Moriones, Ermita, Pasay, Makati, Muntinlupa, Taguig, Masambong, Cubao, Kamuning at Eastwood.
Ipinayo naman ni Roxas na mag-ingat din ang publiko upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari at upang panatilihing ligtas at masaya ang mga pagdiriwang ngayong Kapaskuhan.