Nagpasya ang Pilipinas na samahan ng pneumococcal conjugate vaccine ang Expanded Programme on Immunization noong 2012.

Ito ang paliwanag ni on-leave Health Secretary Enrique Ona sa kanyang isinumiteng sworn statement sa isyu ng bakuna.

Sinabi ni Ona, layon nito na mabigyan proteksyon ang mga bata laban sa sakit na pneumonia. Dalawang uri ng bakuna ang pinagpilian, ang PCV-10 at PCV-13 na parehong hindi kasama sa Philippine National Formulary System.

Ayon sa mga eksperto, ang PCV 10 at PCV 13 ay parehong cost-effective batay na rin sa mga pag-aaral na isinagawa sa ibang bansa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Katunayan, maging ang World Health Organization (WHO) ay sang-ayon na ang PCV 10 at PCV 13 ay parehong cost-effective.

Taliwas din sa lumabas na ulat sa media, walang partikular na uri ng PCV na inendorso ang WHO.

Dahil dito, ang isyu na kailangang desisyunan sa pagpili ng bibilhing bakuna ay kung ano ang naaakma sa limitadong pondo ng gobyerno.

Sa gitna ng mga medical debate sa kung ano ang mas cost-effective para sa gobyerno, nagpasya umano si Ona, bilang kalihim ng DOH, na bilhin na lamang ang PCV 10.

Nagpasya si Ona batay sa kanyang paniniwala na mas naaakma para sa interes ng kalusugan ng publiko ang PCV-10.