Hanggang ngayon na ilang tulog na lamang at Pasko na, hindi ko pa rin makita ang lohika sa pagbabawal ng ilang tanggapan ng gobyerno sa pagbati ng Merry Christmas. Ang naturang paalala ay nakaukol sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) hindi lamang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kundi sa lahat ng paliparan sa buong kapuluan. Sinasabing ito ay naglalayong maiwasan ang pangungulimbat sa dumarating na mga pasahero.

Hindi ko matiyak kung ito ay ipinatutupad din sa iba pang tanggapan na pinagkakakitaan ng ilang mapagsamantalang tauhan ng pamahalaan, tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BoC) at iba pa, lalo na nga ngayong kasagsagan ng Christmas season. Sa kabila ng mahigpit na kampanya ng administrasyon laban sa pagmamalabis ng ilang lingkod ng bayan, balewala ang pagbabawal bumati ng Maligayang Pasko upang malipol ang talamak na alingasngas sa lipunan.

Sa dumarating na pasahero sa mga paliparan, sapat na ang body language ng ilang kinauukulang mga tauhan ng gobyerno upang sila ay maabutan ng anumang pasalubong. Hindi manhid ang ating mga kababayang pasahero sa pagpaparamdam ng ating mmga kaibigan sa airport. Maraming paraan ng pagpatay ng pusa, wika nga. At wala akong makitang masama sa pagpapakita ng magandang loob ng ating mga dumarating na mga kababayan, lalo na ngayong ang lahat ay nananabik sa paggunita ng kapanganakan ng ating Panginoon – ang sagisag ng kababaang-loob at pagdadamayan ng Kanyang mga nilikha.

Isa pa, at ito marahil ang mahalaga, ang pagbati ng Merry Christmas ay hindi lamang bahagi ng kultura ng mga Pilipino kundi maging ng iba’t ibang lahi sa daigdig. Isang malaking kabalintunaan kung ang kulturang ito ay ipagwawalang-bahala ng sinuman; ito ang dahilan kung bakit ang naturang Christmas greetings ay isinalin sa daan-daang lengguwahe na hanggang ngayon ay matutunghayan sa lahat ng anyo ng panitikan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mananatili ang aking mistulang pagkundena sa pagbabawal sa pagbati ng Merry Christmas sapagkat tulad ng pananaw ng marami, ito ay hindi lamang produkto ng estupidong ideya, kundi isang malaking pagkukunwari.