Magkakaloob ng libreng shuttle service ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga paliparan simula sa Disyembre 15 hanggang 23 bilang tulong sa mga pasaherong nais umuwi ng probinsiya ngayong Pasko.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, anim na utility bus ang itatalaga sa Baclaran at SM Mall of Asia papunta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, 3 at 4.
Ito ay upang maiwasang gumamit pa ng kani-kanilang sasakyan ang susundo at maghahatid ng mga pasahero sa gitna ng matinding trapik na nararanasan sa lugar.
Para sa kaalaman ng mga pasahero sa airport, matutukoy ang mga awtorisadong shuttle bus sa pamamagitan ng sticker na may katagang “MMDA’s Airport Christmas Shuttle” na nag-aalok ng libreng sakay basta ipakita lamang ang airline ticket.
Makatutulong naman na maibsan ang inaasahang mas mabigat na trapiko sa mga lansangan ngayong Christmas rush.