Mga Kapanalig, ramdam na natin ang simoy ng Pasko! At tuwing panahon ng Pasko, hindi maiaalis sa isipan ng mga manggagawa ang Christmas bonus. Ang Christmas bonus ay isang anyo ng pabuya ng mga employer sa kanilang mga manggagawa na buong taong nagsumikap sa kani-kanilang mga tungkulin. Ang malungkot na bahagi ng maningning na Christmas bonus ay ang kaakibat na tumataginting na buwis.

Sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan sa pagbubuwis bawat bonus at benefit na lalampas sa P30,000 ay kailangang idagdag sa taxable income ng isang empleyado. Ngunit ang halagang P30,000 cap ay itinakda noon pang 1994. Ibig sabihin, sa loob ng dalawang dekada, hindi pa napapalitan ang halagang ito. Dahil dito, ipinasa ng parehong mababa at mataas na kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na nagtataas sa halaga ng tax exemption para sa mga bonus at benefit na natatanggap ng mga empleyado. Mula P30,000 ay itinaas ito ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa halagang P70,000 at P82,000 naman ang bersiyon ng Senado. Ngunit hindi raw naman tumututol ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bersiyon ng Senado. Bicameral conference na lamang ang kailangan bago ipasa sa Pangulo para sa kanyang pirma ang panukalang batas na ito.

Kung sakaling maipasa, isa ito sa mga batas na tunay na kumikiling sa interes ng mga manggagawa at tunay na makatutulong sa gastusin ng pamilyang Pilipino. Ngunit kung maipasa man ito sa Pangulo, tila hindi naman ito pabor na aprubahan agad. Ayon kay Pangulong Aquino, kailangan pa ang masusing pag-aaral sa usaping ito. Ito rin ang ibinunyag ng mga senador kung saan mismong ang Department of Finance daw ang humaharang sa pagpasa ng panukalang batas na ito. Lalo na ngayong panahon na tumataas ang presyo ng pagkain, kuryente, edukasyon, gamot at iba pa.

Kailangan talaga ng Pilipino ng karagdagang purchasing power at ito nga ang hatid ng panukalang batas na ito. Ating suportahan ang mga panukalang batas para sa pagpapataas pa ng halaga ng bonus at iba pang benefits na exempted sa buwis. Ang batas na ito ay walang ibang maidudulot kung hindi ang gawing realidad ang isang makataong lipunan.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente