Binuksan natin kahapon ang paksa tungkol sa pakikipagpaligsahan sa laro ng buhay. Ginawa nating halimbawa ang pagsisikap kong makapaglaro ng basketball sa aking anak na lalaki. Binanggit ko na sa unang paglalaro ko ng basketball, nanakit ang buo kong katawan. Halos sumpain ko ang sport na iyon dahil hindi talaga ako makakilos bunga ng pananakit ng aking mga kalamnan at buto. Nang yayain ako uli, nag-atubili ako dahil baka muli akong masaktan, o baka mabalian o madulas kaya. nabatid natin kahapon na nawawala ang oportunidad dahil sa pag-aatubili.
Ipagpatuloy natin…
- Makipaglaro ka na parang walang mawawala sa iyo. – “Mag-ingat” ito ang unang paalala sa akin ng aking si Clint bago ako maglaro ng basketball. Ngunit laking kapahamakan ang dulot ng paalalang iyon noong naglalaro na ako. Habang iniisip kong mag-ingat, lalo akong nawawalan ng kumpiyansa sa sarili at baka nga mangyari ang isang aksidente. nalaman ko kay Clint na hindi na niya naiisip na mag-ingat habang naglalaro. ang layunin niya sa paglalaro ay ang manalo – at gagawin niya ang lahat upang manalo, kahit pa madapa siya sa paghabol sa bola o mabalya pa siya ng kanyang mga kaagaw sa bola.
Habang tumatanda tayo at dumarami ang ating karanasan sa buhay, hindi na gaano tayo nagaalala kung may mawawala pa sa atin. naroon ang posibilidad ng isang maganda at ekstraordinaryong pamumuhay. Kung gusto mong magkaroon ng magandang resulta, kailangang makipagsapalaran ka. Walang nagtagumpay sa pamamagitan ng pag-iingat lamang. naparalisa dahil sa pag-analisa – ito ang dahilan kung bakit marami sa atin ang hindi kumikilos upang magwagi sa laro ng buhay. isip tayo nang isip kung paano tayo magtatagumpay ngunit hindi naman natin iginagalaw kahit isang paa.
Minsan… at halos sa lahat ng pagkakataon, ang tanging paraan upang magtagumpay ay ang aktuwal na paggawa niyon.