“AYOKO na!” halos pasigaw na sinabi ng officemate kong babae. Galing kasi siya sa gym at pawis na pawis na sumalampak sa kanyang silya. “Wala nang mangyayari sa katabaan kong ito, Vivinca. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng mga amiga ko.” Ngunit kamakailan lang, sinabi niya sa akin, “Magbabawas ako ng timbang. Kailangan kong sumeksi. May debut akong dadaluhan. Kelangang maging sexy ako sa lalong madaling panahon.” Eto siya ngayon sa harap ko, nagdedeklara ng pagsuko.

Ikaw rin may naririnig na pangungusap na ganito: “Ipinapangakko ko, magpapakabait na ako.” “Magpapapayat na ako.” “Hindi na ako maninigarilyo.” “Hindi na ako iinom ng alak.” “Makinig na ako sa nanay ko.” “Hindi ko na pahihirapan ang aking mga estudyante.” “Hindi na ako kakain sa mga fastfood resto.” “Magbabasa na ako ng Biblia simula ngayon.” Lahat tayo gumagawa ng ganyang mga pangungusap – matitinding deklarasyon ng mga gusto nating mangyari sa ating buhay. Ngunit hindi magkapareho ang pagsasabi ng isang pangako at pagtitiyak na mangyayari iyon. Mangangailangan ito ng pagsisikap at dedikasyon, at maaari ring hindi mangyayari ang mga nais nating mangyari.

Hindi ganoon ang Diyos. Ayon sa Mabuting Aklat, kapag nagsalita ang Diyos, nangyayari ang Kanyang mga sinasabi. Halimbawa, ayon sa berso sais ng Mga Salmo, “Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, nalikha ang mga langit.” Nagsalita ang Diyos, at nalikha nga ang mundo. Isa itong pagpapatunay ng kadakilaan ng Diyos. Ipinaaalala nito ang kaibahan ng Manlilikha at Kanyang mga nilikha. Kapag tayo ang nagsalita, binibigyan natin ng tinig ang ating mga inaasam sa buhay; kapag ang Diyos ang nagsalita, lumilikha siya ng realidad.

Sa pamamagitan ng kamanghamanghang katotohanang ito, nagkakaroon tayo ng inspirasyon upang kumilos sa ipinag-uutos ng Mga Salmo: “Magalak sa Panginoon!” “Purihin ang Panginoon!” at “Umawit sa Panginoon!” Sa Kanyang mga salita, nagkaroon ng mga mundo, at ang ating salita ay kailangang ilutang ang Kanyang papuri. Sa araw na ito, higit nating gawain kaysa sabihin, “Pupurihin ko ang Pangingoong Diyos.” Gawin natin ito sa ating buhay at sa ating mga salita. Pinupuri Ka namin, Panginoong Diyos!
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente