Kinasuhan ng qualified theft ang isang shuttle driver ng Cebu Pacific Airlines matapos nakawan umano ng P5,000 ang piloto ng kumpanya, ayon sa Pasay City Police.
Ayon sa pulisya, naaktuhan ni Danilo Cachero Ronquillo, 61, piloto ng Cebu Pacific, at residente ng No. 35 Bethel St., Remelville Subd. Noveleta, Cavite; ang suspek na nakilalang si Jefferson Arisga, 35, ng Tondo, Manila habang kinukulimbat ang P5,000 sa wallet ng biktima na nakalagay sa kanyang flight bag habang sila ay sakay ng shuttle bus na nakaparada sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Agad na humingi ng tulong si Ronquillo sa Cebu Pacific security na pinamumunuan ni retired Col. Art Evangelista na nagresulta sa pagkakaaresto ni Arisga.
Bagamat todo-tanggi si Arisga sa akusasyon ni Ronquillo, nagpakita ang piloto ng serial number ng mga bill na kanyang isinulat sa papel at ang mga ito ay tumugma sa salaping tinangay ng suspek.
Ang paglilista ng serial number ng salapi ng mga piloto ay isang “standard operating procedure” sa kumpanya upang madali itong matukoy kung sakaling may insidente ng pagnanakaw sa kanilang hanay na madalas na umanong nangyayari. (Mitch Arceo)