Hindi napigilan ang Philippine Air Force na makapaghiganti mula sa kanilang pagkabigo sa huling dalawang torneo matapos nitong putulin ang dominasyon ng Philab sa pag-uwi ng pinakaaasam na unang korona sa 2nd Philippine Sports Commission (PSC) Chairman’s Classic noong Linggo ng umaga sa Rizal Memorial Baseball diamond.
Hindi lamang hinubaran ng Air Force ng titulo ang nagtatanggol na kampeong Philab sa pagtala ng 7-3 panalo sa kampeonato kundi naipaghigante rin nito ang nalasap na masaklap na kabiguan sa mga kamay ng Ballbusters na bumigo rito sa nakalipas na isinagawang 1st PSC Commissioners Cup.
Sinandigan ng Airmen ang mapagdesisyong limang run sa ikatlong inning matapos na unang maghabol sa labanan sa pagtatala ng Ballbusters ng dalawang run sa unang inning at isang run sa ikalawa.
Pinasimulan ni Christian Galedo ang matinding atake ng Airmen sa standing double bago nagawang mapaluan ni Rizel Santos at Jerome Bacarisas para sa tig-isang RBI ang pitcher ng Ballbuster na si Joseph Orillana para ipasok ang dalawang earned run.
Matapos tumuntong sa 3rd at 1st base ang dalawang kakampi ay nagawa naman ni Ernesto Binarao, na nagtala ng 1 run, 1 hit at 3RBI, na mapalipad ang bola sa right field na eksaktong tumama sa pader upang itala ang 3-run homer.
Hindi na ibinigay pa ng Airmen ang kampeonato sa karibal na Ballbusters matapos na magtala pa ng dalawang run sa ikaanim na inning upang tanghalin na ikalawa lamang na kampeon sa torneo na inorganisa upang makita ang mga manlalarong posibleng magrepresenta sa pambansang koponan.
Una naman binigo ng Philab sa magkasunod na matira-matibay na laban ang Ateneo De Manila University Seniors, 10-1, at ang Unicorn, 8-3, upang tumuntong sa ikatlong sunod na pagkakataon sa kampeonato.
Tinanghal na Best Hitter si Matt Laurel ng ADMU sa itinalang 643 hit habang ang Best Slugger sa itinala na 889 ay si Jonash Ponce ng Philab. Si Ponce din ang tinanghal na Most Homerun sa naisagawa na isang grandslam at siyang series Most Valuable Player.
Napunta ang Most RBI sa itinalang 9 si Dino Imperial ng De La Salle habang ang Most Stolen Base ay naiuwi ni Perdo Olivarez na tinalo si Gerald Pareja matapos kapwa magtala ng tig-apat. Ang Best Pitcher ay ang 20-anyos na si Paolo Macasaet ng Ateneo habang ang Finals MVP ay ang Air Force Pitcher na si Jonjon Robles.