Wala akong magawa isang Sabado nang umaga kaya nilinis ko na lamang ang silid ng aking dalagitang si Lorraine. Sa aking pagliligpit ng kanyang mga magazine, napansin ko ang larawan ng isang napakagandang babae na nasa cover ng isa sa mga iyon. Natitiyak ko na maraming dalaga at dalaginding ang maiinggit sa modelong iyon na parang mannequin sa ganda: Mapupungay na mata, mapululang labi, magandang mukha, makinis ang balat, at katawang balingkinitan. Sa madaling salita, perfecta.
Ngunit nang bumisita ako sa opisina ng Balita, ipinaliwanag sa akin ng isang layout artist na ginawa lamang perfecta ang karamihan sa mga cover ng magazine upang maging kaakit-akit sa mga tagapagtangkilik nito. Ang mga larawan sa diyaryo ay hindi nireretoke dahil iyon ang totoong hitsura ng mga personalidad pati na ang mga artista at modelo. Sa magazine, nakagawian nang retokihin ang mga larawan sapagkat tumutugon iyon sa komersiyo, sa fashion at lifestyle. Gamit ang mga high-tech na computer program na nagreretoke sa mga larawan, nililinis ang hindi pantay na kutis, pinapuputi ang ngipin, pinapupula ang labi, pinakikislap ang mga mata, pinase-sexy ang hubog ng katawan, binabawasan o dinadagdagan ang liwanag upang magkaroon ng kakaibang epekto sa hitsura, nagpapalit ng kulay ng buhok, nilalapatan ng effects ang katawan upang lalong magkaroon ng depenisyon, pinatatangos ang ilong, itinatago ang ilang kapintasan sa balat, nilalaro ang mga anino upang lumutang ang higit na kagandahan, at marami pang iba. Kaya ang modelo na nasa cover ng magazine na nakita ko sa silid ni Lorraine, “retokada” pala. Kahit na maganda naman talaga ang naturang modelo, may kailangan pang gawin sa larawan upang itago ang mga bahid ng kapintasan na makasisira sa perfecta nitong imahe.
Lahat tayo ay may kapintasan kumpara sa mga katangian ni Jesus. Gaano man kaperpekto ang hitsura natin, mangangailangan tayo ng higit pa sa relihiyosong retoke upang maitago ang ating mga kasalanan. Matindi ang pangangailangan natin ng paglilinis ng ating kaluluwa sa nagpapatawad na dugo ni Jesus. Kapag nagtiwala tayo kay Jesus bilang ating Tagapagligtas, ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang perpekto Niyang kabutihan. At malalarawan sa atin ang larawan ng Maykapal.