Ipatatawag ni Valenzuela City Police chief Senior Supt. Rhoderick C. Armamento ang mga kinatawan ng 13 taxi company sa lungsod upang talakayin ang mga regulasyon sa pagtanggap ng mga ito ng taxi driver.

Sa panayam kay Armamento, sinabi niyang pinulong na niya ang mga hepe ng mga Police Community Precinct (PCP) na mag-aabiso sa mga taxi operator na sakop ng kanilang presinto para sa nalalapit na pagpupulong.

Isa sa mga ipakikiusap ni Armamento sa mga operator ang mga panuntunan sa pagtanggap ng mga taxi driver.

Kinakailangan umanong may clearance ang mga aplikanteng taxi driver, gaya ng police clearance, court clearance at National Bureau of Investigation (NBI) clearance.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dapat ding may mga personal record sa operators ang mag-a-aaply na driver, kabilang ang bio-data, bago makapamasada.

Maaari ring personal na makipag-ugnayan ang mga operator sa Valenzuela City Police para iberipika kung may criminal record ang sinumang aplikante.

Naalerto si Armamento matapos ang sunud-sunod na panghoholdap ng mga taxi driver sa kanilang pasahero, at ang opisina at garahe ng taxi na sangkot sa nasabing krimen ay nakabase sa Valenzuela.

“’Yun kasing ibang operators kuha na lang nang kuha ng driver kahit walang isinusumiteng bio-data, kasi nga ayaw lang nilang matengga ‘yung kanilang taxi,” ani Armamento.

Sa kasalukuyan, umaabot sa mahigit 1,000 ang taxi na nakabase sa Valenzuela, ang pinakamarami sa Metro Manila.