Malungkot na tadhain ng ating pamumulitika kaakibat sa magiging resulta ng ating demokrasya nakaukit sa nakakagimbal na pagbaligtad ng antas ng moralidad sa serbisyo-publiko. Noong kapanahunan ng ating lolo at ama kapag may nais kumandidato, ang palagiang katanungan na sumasagi sa isipan ng mga naninimbang na botante ay “Kaya ba niya o niyan?”

Payak na panukli sa mapanuring kaisipan ng taong-bayan sa mahahalagang katangian na karapat-dapat nakabalot na sa pagkatao ng tumatakbong politiko: 1) Kung may tinapos na kurso? 2) Anong kurso –abogado ba, atbp? 3) Matalino ba? Dahil honor student? 4) May karanasan sa pamamalakad ng negosyo o pamamahala? 5) Ano ang “record” o talaan sa kanyang panunungkulan? Maasahan ba? Malinis na pangalan? Hindi abusado? 6) At panghuli -- ano plata-porma de gobierno? Na kadalasan binabatay sa partidong inaaniban – Nationalista o Liberal noon? Kailangan ang pondo noon upang kumandidato, subali’t hindi ito ang pangunahing batayan upang magwagi, dahil ang “inspector” ng bawa’t partido sa presinto tuwing bilangan, sumusweldo sa pamahalaan tulad sa mga guro. Ibig sabihin, hindi importante mangalap ng limpak-limpak na salapi, o mangulimbat ng milyon-milyong piso ang politiko para mapabantayan ang kanyang boto.

Sa kadiliman na itinagal ng “Martial Law”, unang sinira ang tinaguriang Two Party at Inspector System sa halalan. Naging Multi-Party System. Dahil nais ibenta ang kakulangan ng karanasan at kaalaman sa pamamahala, inilako ang patalastas ng “sincerity” ni Cory kontra sa luma nating pagpapahalaga sa “talino” at karanasan. Ang palusot ay ang huli magaling lang magnakaw. Sa pagsusuma – nabalik ang demokrasya subalit palpak na pamamalakad, at lumubha ang nakawan. Hindi na tayo nabalik sa Two-Party at Inspector System dahil sa Konstitusyon ni Cory. Ang tradisyunal na –pagpapahalaga sa pag-aaral, talino atbp. nabasura. Dahil nga 200 na ang Partido sa ilalim ng Multi-Party System tumindi ang nakawan sa diskarte ng pork barrel, lump sum, discretionary fund. Ito, pambili sa botante at PCOS Machine para manalo. Sa kasalukuyan, puso, awa, at kailangan sikat para tumabo sa kandidatura, kahit TWA (talagang walang alam). Ang timbangan ngayon, “May pera ba yan?” (Pera-pera na lang ba ang ating demokrasya?)

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists