Nang iutos ng Korte Supreme ang paglilipat ng Pandacan oil depot sa mga lugar na hindi matao sa labas ng Maynila, ganap na napawi ang panganib na malaon nang nagdudulot ng pangamba sa sambayanan. Ang naturang oil depot na imbakan ng mga produktong petrolyo ng tatlong dambuhalang oil company – Chevron Philippines, Inc., Pilipinas Shell Petroleum Corporation, at Petron Corporation – ay mistulang isang bulkan na hinihintay sumabog. Kapag ito ay naganap – huwag naman sanang mangyari – tiyak na ito ay magdudulot ng malaking pinsala hindi lamang sa Kamaynilaan, kabilang na ang Malacañang grounds na abot-tanaw lamang mula sa Pandacan.
Ang utos ng Kataas-taasang Hukuman ay nakatuon sa pagpapawalang-bisa sa isang ordinansa ng Manila City Council hinggil sa pagpapanatili ng nabanggit na oil depot sa Pandacan. Napatunayang ito ay makapagdudulot ng labis na agam-agam sa taumbayan. Bahagi ng desisyon ng Korte Suprema ang palugit na 45 araw upang ang naturang mga kompanya ng langis ay makapaghanda ng mga plano tungkol sa mga lugar na paglilipatan ng kanilang mga imbakan; at tiyakin ang mga ito ay magpapahalaga sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Nakakikilabot ang pinangangambahang panganib na maaaring ibunga ng mga imbakan ng langis. Katulad na lamang ng pagsabog na naganap sa mga nuclear plant sa Japan at sa iba pang bansa na kinaroroonan din ng mga oil depot. Hindi malayo na ganito rin ang pagsabog at pagkasunog na maganap sa nasabing oil depot, lalo kung tayo ay niyayanig ng nakagigimbal na lindol. Alam naman natin na ang ganitong kalamidad ang nagiging dahilan ng tsunami o malalakas na alon na magpapalubog sa mga komunidad, tulad nga ng naganap sa Japan.
Wala nang alternatibo ang mga kompanya ng langis kundi madaliin ang pagsunod sa utos ng Korte Suprema. Naniniwala ang marami na hindi na ito maililigtas ng anumang motion for reconsideration. Sa kabilang dako, wala na ring alternatibo ang mga kinauukulang awtoridad ng siyudad ng Maynila kundi pagyamanin ang Pandacan oil depot.
Ito ang makabuluhang katanungan ngayon: Gagawin ba itong isang business center upang kumita ang siyudad o pagtatayuan ng isang housing project para sa mga maralitang iskuwater o informal settlers na hanggang ngayon ay nagsisiksikan sa mga estero sa lungsod.