Nagsidatingan na sa bansa ang mga batang kalahok sa gaganaping 6th ASEAN Schools Games ngayon hanggang Disyembre 7 sa Marikina City.

Ang torneo, sa tulong na rin ng Department of Education (DepEd), ay inorganisa sa ilalim ng ASEAN Schools Sports Council (ASSC) na tatampukan ng mahigit 1,500 kabataang atleta na mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN na binubuo ng Brunei, Indonesia, Singapore, Malaysia, Laos, Thailand, Vietnam, at ang host Pilipinas.

Asam din ng Pilipinas, na hindi lamang makapagpartisipa sa torneo, na maabot ang hangaring mapagkaisa ang mga kabataan sa pamamagitan ng ASEAN Solidarity sa “youth through school sports” at makapagbigay ng oportunidad sa mga batang atleta upang maipamalas ang kanilang talento sa sports.

Kabuuang 1,593 kabataan ang nagkumpirma ng kanilang paglahok sa torneo sa pangunguna ng Indonesia (254), Thailand (266), Singapore (259), Malaysia (267), Brunei (157), nagtatanggol na kampeong Vietnam (118) at ang host Pilipinas na may pinakamaraming lahok na 272 atleta.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Ang Pilipinas ay binubuo ng mga tinanghal na record breaker at pinakamahuhusay na batang atleta sa nakalipas na Palarong Pambansa sa Laguna.

Matatandaan na huling lumahok ang Pilipinas sa ginanap na 5th ASEAN Schools Games sa Hanoi, Vietnam kung saan ay nagawang mag-uwi ng tatlong tansong medalya sa boys’ volleyball, girls’ basketball at boys’ javelin throw sa katauhan ni Bryan Jay Pacheco.

Nagawang burahin ni Pacheco ang Palarong Pambansa record at maging ang personal best nito sa event. Una nang binura ni Pacheco ang Palarong Pambansa record sa shot put.

Ilan sa paglalabanang sports ay ang track and field, swimming, basketball, badminton, gymnastics, table tennis (ping pong), at volleyball. Kabilang din ang sepaktakraw (kick volleyball) at pencak silat (martial arts).

Isasagawa naman ang ilang mga laro sa Marikina City Sports Complex, habang ang athletics ay sa PhilSports Arena at ang gymnastics sa Rizal Memorial Gymnastics Center.

Tumapos ang Pilipinas sa panghuling puwesto na taglay ang 0-0-3 (ginto-pilak-tanso). Ang Vietnam ang tinanghal na overall champion sa tinipong 50-27-23.

Sa kabuuan ay mayroon pa lamang na 1 ginto, 4 pilak at 9 tanso ang naiuwi ng Pilipinas sa torneo.