WALANG SINASANTO ● Kapag nagbigay ng babala ang anumang ahensiya ng gobyerno, seryoso po sila. Kaya kung hindi ka nakauunawa ng simpleng panuto at iginiit mo ang gusto mong labag sa batas, tiyak na pamupukpok ka sa ulo... puwera na lang kung talagang matigas ang ulo mo. Kamakailan, dinurog ng mga tauhan ng DTI gamit ang isang backhoe ang may 8,000 set ng pipitsuging Christmas lights na nakumpiska ng ahensiya sa mga pamilihan sa Metro Manila. Aabot sa P1.2 milyong halaga katumbas ng 8,853 set ng hindi pasadong Christmas lights sa pamantayan ng DTI ang sinira upang hindi na ito mapakinabangan o muling maibenta sa mga bangketa sa Kamaynilaan dahil sa banta ng kaligtasan ng publiko.

Maaari kasi itong maging mitsa ng sunog. Kasama sa mga sinira ang mahigit 5,000 set ng Christmas light na nakumpiska sa mga tindahan sa Caloocan City bunsod ng pinaigting na kampanya ng DTI laban sa hindi sertipikadong Christmas lights lalo na’t nalalapit na ang Pasko. Mismong sina DTI Secretary Gregory Domingo at Senate Committee on Trade Chairman Sen. Bam Aquino ang nanguna sa pagwasak sa libu-libong pipitsuging Christmas light na walang Import Commodity Clearance (ICC) sticker at bagsak sa Bureau of Philippine Standards (BPS). Inihayag ng kalihim ng DTI, pinagmulta na ang apat na importer at retailer ng mga ilegal na Christmas light. Pinagbawalan din ng DTI ang mga kinasuhan na mag-angkat at magbenta pang muli matapos kanselahin ang kanilang ICC certification. Binalaan ng DTI ang mga manufacturer, importer at retailer ng Christmas light na may katumbas na P300,000 multa at kanselasyon ng DTI-permit o lisensiya.

***

TALENTADO! ● Ipinagdiriwang ngayon ang National Week for the Gifted and Talended. Ayon kay Dr. Leticia Peñano-Ho, pangulo ng Philippine Center for Gifted Education (PCGE), tampok sa selebrasyon ang Search para sa Mga Bagong Rizal: Pag-asa ng Bayan 2015. Layunin nito ang mabuksan ang kamalayan ng ating kababayan na bigyan ng atensiyon ang paglinang ng gifted children na hitik sa talento. Matupad sana ang adhikain ng pagkakaroon ng isang pambansang programa para gawing kapaki-pakinabang ang mga batang matatalino at tadtad ng talento. Bukas na ang nominasyon para sa tatanghaling Pantas ng Bayan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho