Hanggang ngayon ay hindi makatkat sa aking utak ang pagbabanta ng isang matalik na kaibigan: Maghihiganti ako. Nais niyang ipakahulugan na babalikan niya ang mga kampon ng kasamaan na buong kalupitang pumaslang sa kanyang kapatid – kasama ang tatlong iba pa – sa isang malagim na noon-time massacre maraming dekada na ang nakalilipas.

Nang sariwa pa ang naturang maramihang pagpatay, lagi kong sinasabi sa aking kaibigan: ang isang pagkakamali ay hindi maiwawasto ng panibagong pagkakamali; ipaubaya na lamang natin sa Panginoon ang lahat. Kabuntot nito ang isang banal na kawikaan: Akin ang paghihiganti. Nangangahulugan na ang Dakilang Manlilikha lamang ang maghihiganti para sa kanyang mga kinapal. Sa biglang tingin, tila may lohika sa pagbabanta ng aking matalik na kaibigan. Masyado nga namang pinagmalupitan, inapi at niyurakan ang pagkatao ng kanyang kapatid. Magkahalong personal at political vendetta ang kumpiramadong dahilan ng nakakikilabot na masaker. Sinasabing pinagkaisahan sila ng kanilang mga katunggali sa marumi at malagim na sistema na naghahari noon at hanggang ngayon.

Naging bahagi na ito ng kulturang panlipunan na hindi lamang sa ating bansa naghahari kundi maging sa iba pang lupalop ng daigdig. Ang paghihigantihang pampulitika ay malimit na gumugulantang sa sambayanan, tulad ng pagpaslang sa ilang pinuno ng estado at maging sa ilang magkakaribal na negosyante sa mundo.

Kapuna-puna na hanggang ngayon, naririyan pa rin ang mistulang pag-iiringan ng malalaking pamilya dahil sa hibo ng pulitika at negosyo. At sa takbo ng mga pangyayari, tila walang naghahangad na magpatawad at naroroon pa rin ang matinding banta ng mga paghihiganti. At laging iginigiit na hindi personal ang sanhi ng gayong hindi kasiya-siyang pagtitinginan kundi paghahanap ng katarungan.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Hindi ko alam kung ganito rin ang nadadama ng aking matalik na kaibigan. Nais kong muling sabihin sa kanya: Ipaubaya na natin sa Panginoon ang lahat. At nais kong ulitin ang banal na kawikaan: Akin ang paghihiganti. Pero hindi ko na alam kung saan siya ipinadpad ng kapalaran. Sana ay maalala niya ang naturang banal na kawikaan. Sana nga.