Mga laro sa Miyerkules (Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna):
2pm -- Cignal vs. Foton (W)
4pm -- Generika vs. Petron (W)
6pm -- Maybank vs.
Cavite Patriots
(Men’s Battle for Third)
Muling lalaban para sa kampeonato ang Cignal HD Spikers matapos takasan ang matinding Cavite Patriots Fourbees sa nakaririnding matira-matibay na limang sets, 3-2, sa iskor na 23-25, 25-18, 31-33, 25-16 at 15-6 sa men’s division ng 2014 Philippine Super Liga Grand Prix presented by Asics sa Muntinlupa Sports Complex.
Hinawi ng Cignal HD Spikers ang muling pakikipagharap nito sa 3-time champion na PLDT Telpad matapos lamang nitong umahon sa balag ng kabiguan at dumaan sa nakakaneribiyos na hamon ng Cavite Patriots na nagawa pang iposte ang 2-1 set na abante sa pagwawagi sa ikatlong set, 31-33.
Gayunman, ipinakita ng HD Spikers ang matinding kumpiyansa at tibay ng dibdib upang malampasan ang hamon ng Patriots tungo sa impresibong pagwawagi sa krusyal na huling dalawang set upang maitakda ang “grudge match” na ikatlong pakikipagsagupa para sa korona kontra sa nagtatanggol na kampeong PLDT Telpad Ar Force.
“We’re tentative in executing our plays,” sabi ni Cignal HD men’s coach Michael Carino. “Hindi iyon pupuwede if we are up against the PLDT Telpad for the crown. Kailangan namin na ma-execute ng mahusay ang bawat atake if we really want to become champions,” hamon nito sa mga manlalaro ng spikers.
Nasubok ang katatagan ng HD Spikers sa laban nito sa ipinakitang husay na Cavite Patriots matapos na halos mapatalsik sa matira-matibay na kampeonato ng mapag-iwanan sa pagsisimula ng ikaapat na set.
Gayunman, sinandigan ng Cignal sina Lorenzo Capate Jr. na nagtala ng team high na 17 puntos kasama si Gilbert Ablan na may 14 puntos at sina Alexis Faytaren at Reyson Fuentes na nag-ambag ng tig-12 puntos upang ipanalo ang huling dalawang set tungo sa pagbabalik nito sa kampeonato.
Nagtala si Capate ng 11 puntos sa kills, 4 sa block at 2 service ace habang may 11 kills din si Ablan. May 5 block at 2 ace naman si Faytaren.
Pinangunahan naman ni Benjaylo Labide ang Cavite Patriots na may 16 puntos habang si Adam Aidam ay may 10 puntos. Sasagupain ng Patriots para sa ikatlong puwesto bukas ang Maybank sa pagdayo ng liga sa Binan, Laguna.
Nauna nang tumuntong sa kampeonato ng men’s division ang PLDT Telpad Air Force matapos na biguin sa loob lamang ng tatlong set ang Maybank.