Mayroon akong amiga na madasalin. Marami na siyang ibinahagi sa aking kuwento, na nasaksaihan ko rin ang ilan, tungkol sa mga panalanging dininig ng Diyos, tulad na lamang ng pagkaka-graduate ng kanyang anak sa kolehiyo; ang pagkawala ng pagkasugapa ng kanyang mister sa sigarilyo, pati na rin ang tagumpay ng kanyang munting negosyo. Ngunit may mga pagkakataon din na ang amiga kong ito ay nalulungkot sapagkat waring hindi pa dinidinig ng Diyos ang kanyang panalangin para sa ilang kamag-anak niya. Gayunman, hindi siya humihinto sa pagdarasal, dahil sa pag-asang nabasa niya sa Lucas 18. Ang kuwento sa Mabuting Aklat ay tungkol sa isang biyuda na mistulang ngumangawa sa isang hukom na may matigas na puso. Sa walang hinto na pangungulit ng biyuda, natamo rin niya mula sa hukom ang saklolong hinihiling niya.
Tinapos ni Jesus ang talinghagang ito sa isang tanong: Kung ang isang tiwali at may matigas na pusong hukom ay sinagot ang pangungulit ng biyuda para saklolohan ito, hindi ba sasagutin ng Diyos ang sarili Niyang mga anak na dumudulog sa Kanya araw-gabi? Ang inaasahang tugon: “Siyempre diringgin iyon ng Diyos.”
Noon ay may isang George Muller (1805-1898) na direktor ng isang bahay-ampunan. Kilala si George sa kanyang pananampalataya at walang hinto kung manalangin. Sa tuwing may hihilingin siya sa Diyos para sa pangangailangan ng kanyang ampunan, natatamo niya iyon. Pinadadala ng Diyos ang anumang hilingin ni George. Gayunman, sa mahigit na 40 taon, pinagdarasal niya rin ang kanyang kaibigan at ang anak nito upang magbalik-loob sa Diyos. Nang mamatay si George, nanatiling mailap ang kanyang kaibigan at anak nito sa pagbabalik-loob. Kalaunan, dininig ng Diyos ang mga panalanging iyon, sa Kanyang panahon. Sa lamay ni George, nagbalik-loob sa Diyos ang kanyang kaibigan. At ang anak ng kanyang kaibigan naman ay isang taon pa pago nagkaroon ng marubdob na pananampalataya.
Mayroon ka bang nais makamtan na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay? May dinaramdam ka ba? Gusto mo bang maging malapit sa Panginoon? Manalangin ka nang walang hinto. Umasa kang diringgin ka ng Ama na nasa Langit, ayon sa Kanyang kagustuhan, sa Kanyang panahon. Diringgin nga ng Diyos ang panalanging walang hinto.