Bumuwelta mula sa straight sets na kabiguan sa kamay ng Emilio Aguinaldo College (EAC) ang College of St. Benilde (CSB) matapos gapiin ang season host Jose Rizal University (JRU), 25-21, 25-17, 25-23, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Pinataob ng Blazers ang Heavy Bombers sa pamumuno ni Johnvic de Guzman na nagposte ng 14 puntos, kabilang na ang 13 hits upang makabalik sa winning track at maitarak ang ikalawang panalo sa tatlong mga laro na nag-angat sa kanila sa ikatlong puwesto kasunod ng San Sebastian College (SSC), 2-0, at mga namumunong University of Perpetual, Arellano University (AU) at EAC na may tig-3 panalo.

Nagdagdag naman ng tig-7 puntos sa nasabing panalo ang mga kakampi ni De Guzman na sina Berwyn Coming, Ron Julian Jordan at Racmade Etrone.

Sa kabilang dako, nanguna naman para sa Heavy Bombers, bumagsak sa ikatlong sunod nilang pagkabigo, si Joshua Manzanas na nagtala ng 12 puntos, kabilang dito ang 11 hits at 1 service ace.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Samantala, sa juniors division, tinalo naman ng Arellano Baby Chiefs ang San Beda College Red Cubs sa loob ng tatlong sets na tumagal lamang ng 45 minuto, 25-8, 25-14, 25-17.

Nagsalansan ng 14 puntos si John Mark Castillo at tig-11 puntos naman sina John Mark Millete at Aldimal Waham para pangunahan ang nasabing panalo ng kanilang koponan, ang kanilang ikalawa sa loob ng tatlong laban na nagbaon naman sa Red Cubs sa ilalim ng team standings sa dinanas na ikatlong dikit na kabiguan.