Unti-unting nag-aayawan ang mga pinakamahuhusay na batang atleta na nakatakdang sumabak sa gaganaping 2014 ASEAN Schools Games sa iba’t ibang pasilidad sa Marikina City at Philsports Arena sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.

Ito ang napag-alaman mula sa athletics consultant ng Philippine Sports Commission (PSC) na si Andrew Pierre matapos na apat sa inaasahang mga mahuhusay na atleta na naging multi-medalist sa nakalipas na Palarong Pambansa ang umatras sa paglahok sa torneo.

Idinahilan ng apat na kabataan ang kawalan ng kaukulang permiso mula sa Department of Education (DepEd) upang sila ay payagan ng kanilang mga kinaaanibang unibersidad na makalaro sa torneo.

Hindi rin sigurado ang kabuuang 18 atleta na magmumula naman sa iba’t ibang probinsiya na makapagpartsipa sa torneo dahil sa walang ibinibigay na pamasahe para sa kanilang pagbiyahe patungo sa Manila at pambayad sa kanilang mga tutuluyan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang ASEAN Schools Games ay may nakalaang P80 milyong pondo sa DepEd para sa mag-host ng torneo na lalahukan din ng mga mag-aaral na mula sa Malaysia, Singapore, Indonesia, Brunei, Laos, Vietnam, at Thailand.

Huling isinagawa ang torneo sa Vietnam kung saan ay pinaglabanan ang kabuuang 125 ginto, 125 pilak at 144 tanso para sa kabuuang 394 medalya. Tatlong tanso lamang ang naiuwi ng Pilipinas na mula sa boys’ javelin throw, isa sa girls’ basketball, at boys’ volleyball.

Inirekomenda naman ng PSC ang partisipasyon ni Carlo Caong na mula sa College of St. Benilde at si Gianelli Gatinga na tinanghal na 2014 Batang Pinoy Luzon qualifyng leg most medalled sa athletics.

Hindi rin makalalahok ang mga pinakamahuhusay na batang swimmer dahil nakatakda silang umalis sa susunod na linggo patungong Qatar upang dumalo sa training camp na dadaluhan ng mga magagaling na instructor na mula sa world governing body na FINA.

Ilan lamang sa magtutungo sa training camp na tinanghal na most bemedalled swimmer sa Laguna Palarong Pambansa at 2014 Batang Pinoy Luzon leg na sina Maurice Sacho Ilustre at Kirsten Chloe Daos.

Hindi naman pinahintulan na lumahok sina Mary Antyhony Diesto at Leah Ann Creer ng kanilang eskuwelahan dahil sa nalalapit na kampanya sa UAAP.