Tumangging maghain ng plea ang dalawang anak ng tinaguriang “pork barrel scam queen” na si Janet Lim Napoles kaugnay sa kasong graft na kanilang kinakaharap bunsod ng paglulustay umano ng P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ito ay nang humarap sa arraignment proceedings sa Sandiganbayan Third Division sina Jo Christine Napoles at James Christopher Napoles na kapwa nahaharap sa 15 counts of graft kung saan kapwa akusado si Sen. Juan Ponce Enrile at kanilang ina.
Hindi rin naghain ng plea ang apat pang kinasuhan ng graft na sina Department of Budgement and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos at kanyang mga staff na sina Rosario Nuñez, Lalaine Paule, at Marilou Bare.
Dahil dito, si Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tan, chairman ng Third Division, ang naghain ng not guilty plea para sa anim na akusado base sa Rules of Court.
Samantala, naghain ng not guilty plea sina Hernani Ditchon, Rodrigo Galay at Laarni Uy, kung saan ang bawat isa ay nahaharap sa two counts of graft.
Ipinagpaliban naman ang arraignment ni Myla Ogerio, na nahaharap sa one count of graft, matapos itong mag-abiso na maghahain siya ng motion for reconsideration laban sa pagdeklara ng korte na may probable cause laban sa kanya.