BAGUIO CITY- Handang-handa na ang may 1,225 golfers na lalahok sa pinakamalaking Fil-Am Golf Tournament sa buong Asia-Pacific na gaganapin sa Nobyembre 22 hanggang Disyembre 6 sa golf courses ng Baguio Country Club at Camp John Hay.

Ipinahayag ni Tournament Executive Chairman Anthony de Leon na ang 65th San Miguel Fil-Am Golf Tournament ay opisyal na magbubukas sa Nobyembre 19 bilang practice round ng may 235 koponan.

Ang ceremonial tee off ay magaganap sa Nobyembre 21 at ang torneo ay gugulong sa Nobyembre 22 hanggang 27 para sa senior division, samantalang ang kompetisyon naman para sa regular division ay hahataw sa Disyembre 1 hanggang 6.

Dalawang brand new car ang nakalaang premyo sa sinumang makaka-hole-in-one sa No.10 ng BCC at No.18 ng CJH. Bukod dito ay marami pang papremyo ang nakaantabay sa golfers na mula sa sponsors, lalung-lalo na ang pinakamalaki at pinakamahusay na beer company bilang major sponsor.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ayon kay De Leon, 46 na team mula sa seniors ang inaasahang magtatagisan ng kanilang galing, kasama ang Megafiber na magdedepensa sa kanilang nakaraang taong titulo matapos na talunin ang three-time winner na Camp John Hay team.

Dedepensahan din ng Mizuno ang kanilang titulo sa regular na Fil-Am championship division sa Disyembre 3 sa tatlong round, lima ang manlalaro at apat ay para sa count tournament na gagamit ng stableford format. Natalo ng Mizuno ang Team Sparta noong nakaraang taon. - Zaldy Comanda