Umusad ang Pilipinas sa ikalawang round ng isinasagawang Asian Volleyball Confederation Beach Volleyball Southeast Asian Zone Olympic Qualifier na isinagawa nitong Nobyembre 10 at 11 sa Pathum Thanii Province sa Bangkok, Thailand.
Ito ay matapos na ang PHI men at women’s beach volley squad ay kapwa pumangalawa sa unang yugto ng torneo na isinasagawa para sa mga bansang hindi nakapagkuwalipika para sa Rio De Janeiro, Brazil Olympics sa 2016.
Tumuntong sa kampeonato ang Pilipinas sa men’s division matapos manguna sa group eliminations at biguin ang Malaysia sa semifinals bago na lamang nabigo sa powerhouse na Cambodia para sa gintong medalya.
Gayunman, kinailangan ng parehas nina Sim Khlork at Lim Samat ng Cambodia na bumangon sa pagkatalo sa unang set bago nito nagawang itakas ang 20-22, 21-16 at 15-10 na panalo kontra kina Jade Bacaldo at Loujei Tipgos sa laban na umabot sa kabuuang 53 minuto.
May pagkakataon pa sana ang Pilipinas para sa gintong medalya subalit agad itong sinelyuhan ng pareha nina Som Samith at Phat Sopheak ng matinding 24-22 at 25-23 panalo kontra naman sa pares nina Edward Ybanez at Edmar Bonono upang iuwi sa Cambodia ang gintong medalya.
Makakasama ng Cambodia ang pumangalawang Pilipinas at ikatlong Malaysia na umusad sa ikalawang yugto ng Asian Zonal Olympic Qualifying kontra sa Thahiland, Vietnam at Indonesia na nauna nang awtomatikong umusad torneo bunga ng patuloy na kampanya sa internasyonal na kompetisyon sa beach volley.
Agad na nagtungo ang men’s team sa pamumuno ni PSC Consultant at regional coach Eric LeCain sa Phuket, Thailand upang magkampanya naman sa 4th Asian Beach Games.
Matapos naman talunin ng Philippine women’s team ang Myanmar at Singapore ay natalo ang koponan sa Malaysia upang magkasya lamang sa ikalawang puwesto sa bitbit nitong 2 panalo at 1 talo sa apat na koponang round robin na torneo para sa kababaihan.
Bumalikwas ang Malaysia na binubuo nina Luk Tech Hua at Beh Shun Thing upang biguin ang Pilipinas na pareha nina Elaine Kasilag at Cherry Ann Rondina, 18-21, 21-11 at15-8 habang dinurog nina Ariffin at Polly Sim Pelyi ang tambalan nina Michelle Datuin at Gretchen Ho sa sagupaan sa Team B.