CLEVELAND (AP)– Binawi ng NBA ang triple-double ni LeBron James.
Makaraang pag-aralan ang 118-111 panalo ng Cavaliers kamakalawa kontra sa New Orleans, binawi ng liga ang isang rebound at assist ni James, na una nang inilista bilang kanyang ika-38 career triple-double.
Nagtapos si James na may 32 puntos, 11 rebounds at 9 assists sa pag-angat ng Cavs sa 3-3.
Karaniwan nang sinusuri ng liga ang videotape ng mga laban upang mapanatili ang integridad ng statistics.
May 3:27 pa ang nalalabi sa third quarter, mali ang naibigay na assist para kay James nang kanyang ibigay ang bola kay Tristan Thompson, na ipinasa naman ito kay Kyrie Irving para sa layup.
Sa fourth quarter naman, si James ay nabigyan ng offensive rebound na dapat ay napunta sa kakamping si Mike Miller.
Sinabi ng tagapagsalita ng liga na si Tim Frank na ang mga pagbabago ay nagawa na sa official box score.